Binatilyo tinarakan sa mismong holding area ng DSWD

MANILA, Philippines - Isang binatilyo ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong saksakin  ng kapwa nito binatilyo sa loob ng holding area ng Department of Social Welfare and Development sa Navotas  City kahapon ng umaga.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng saksak  sa katawan  ang biktimang si Kevin Batancilla, 17,  ng Brgy. North Bay Boulevard South ng naturang  lungsod.

Nasa custody na ng naturang tanggapan ang suspek  na si Arnel Villanueva, 17, ng Bagoc, Brgy. Daang-Hari ng naturang lungsod.

Base sa report ng pulisya,  alas-7:50 ng umaga nang saksakin ng suspek ang biktima sa loob ng holding center ng DSWD sa Navotas City  Police Station, Sipac-Almacen ng naturang lungsod.

Lumalabas na may dating alitan ang biktima na nakulong dahil sa kasong robbery hold-up at suspek na nakulong dahil naman sa kasong frustrated murder.

Sinuspinde naman ang pitong bantay sa holding area at nakatakdang sampahan ng kasong negligence of duty.

Show comments