MANILA, Philippines - Nagsagawa ng transport strike ang mga miyembro ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa Maynila kahapon, bilang pagtuligsa sa umano’y laganap na pangongotong ng mga enforcers.
Hindi sila napigilan ni Manila Vice Mayor at Manila Traffic Czar Isko Moreno kahit nakipagpulong pa ito sa pangulo ng FEJODAP na si Zeny Maranan kahapon bago ang pagdaraos ng tigil-pasada.
Nabatid na nagtigil-pasada ang mga jeepney drivers bilang protesta sa madalas umanong paghuli sa kanila ng mga tauhan ng Manila Traffic Bureau sa mga traffic violations, kung saan kinukumpiska ang kanilang lisensiya at matagal na proseso bago nila ito makuha.
Inirereklamo rin ng grupo ang umano’y pangingikil sa kanila ng salapi ng mga traffic enforcers sa lungsod. Giit nila na ang mismong mga pulis ang nagpapwesto sa kanila sa mga illegal terminal subalit parang patibong umano ito para sila makotongan.
Ayon kay Maranan, kabilang sa mga naapektuhan ng strike ay ang mga biyahe mula sa Malabon, Navotas, Caloocan at BaclaranÂ, gayundin ang mga jeepney na dumaraan sa Blumetritt, Leon Guinto, Agoncillo, at Pandacan.
Reklamo pa niya, hirap na hirap na ang tsuper sa umaabot sa tatlong beses na pagtitiket sa loob ng isang araw. Naiintindihan aniya na kailangan kunin ang lisensya ngunit tila may modus aniya ang mga traffic enforcer at pulis.
Naniniwala rin si Maranan na may quota umano ang mga nanghuhuli ng 10 drayber kada araw kung saan kumikita ito ng P1,000 kada araw.
Ibinunyag pa nito na mayroong sariling sistema ng ‘paglalagay’ ang ilang pulis sa mga terminal partikular aniya sa Blumentritt.