2 beybi, dinukot sa Marikina

MANILA, Philippines - Dalawang bagong silang na sanggol ang iniulat na magkasunod na dinukot mula sa kani-kanilang mga magulang sa Marikina City, noong Huwebes ng hapon.

Ayon sa reklamo sa pu­lisya ng ginang na si Rachel Balaro, 28, residente ng Purok 7, Brgy. Malanday, Mari­kina City, na noong Sabado alas-3:00 ng mada­ling-araw ay biglang nawala sa kanyang tabi ang kanyang anak na si Sophia, 8-months old.

Hinala ni Balaro na ang kanilang kapitbahay na isang alyas Lotlot ang tumangay sa kanyang anak para ipa­ampon sa ma­yamang pamilya na walang anak kapalit ng pera.

Sinabi ni Balaro, alas-12:00 ng madaling-araw ng Sabado ay pinadede pa umano niya ang sanggol pero nang siya ay maka­tulog at magising ay wala na sa tabi niya ang anak.

Kaagad nagsumbong sa mga awtoridad ang ginang ngunit nang saliksikin ang bahay ni Lotlot na kanyang pinaghihinalaan ay nawawala na rin ito sa kanilang lugar.

Inihayag pa ni Balaro sa kanyang reklamo na bago nawala ang kanyang anak ay gusto pa umanong maki­tulog sa kanilang bahay ni Lotlot.

Anang ginang, pilit umano siyang kinukumbinsi na ipaampon na ang kanyang anak pero mahigpit ang kanyang pagtanggi.

Hinipo pa umano ng suspek ang anak at sinabihang, “Baby, sana ay huwag mong kalimutan ang nanay mo”.

Naniniwala naman ang mga awtoridad na posib­leng si Lotlot nga ang tu­mangay sa bata na pumasok sa bahay ng mga Balaro sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.

Nananawagan ang pa­milyang Balaro sa mga makakakita sa kanilang anak na kontakin sila sa mga numerong 945-9436 o 0921-990-8952.

Samantala, kalalabas lamang sa isang lying-in clinic ng isang ginang at ang kanyang bagong silang na sanggol nang bigla na lamang itong agawin sa kanya ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek na kinabibilangan ng isang babae at dalawang lalaki na pawang armado ng baril.

Sa reklamo ng ginang na nagpatago sa pangalang Jovelyn, nag-aabang umano sila ng masa­sakyan taxi noong Huwebes ng alas-2:00 ng hapon ng huminto sa kanilang harapan ang isang kulay puting Toyota Innova.

Agad na bumaba ang isang babae at isang lalaki na armado ng baril, mabilis na tinutukan ang ginang at sapilitang inagaw sa kanya ang sanggol.

Anang ginang, hindi niya nakuha ang plaka ng sa­sakyan dahil umano sa bilis ng pangyayari.

 

Show comments