Sekyu inaresto sa 3 patay sa container van

MANILA, Philippines - Inaresto kamakalawa ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang secu­rity guard na itinuro ng ilang mga testigo na siya umanong huling nakitang bumaba sa container van na ki­na­tagpuan sa bangkay ng tatlong lalaki noong naka­raang Biyernes sa naturang lungsod.

Bagama’t hindi pa itinuturing na suspect, isinasa­ilalim na sa pagtatanong ang naturang security guard na pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan upang maberepika kung may kaugnayan ito sa naganap na pagpaslang kina Reynaldo Cabalan, 49, driver; mga pa­hinanteng sina Rojin Mesias, 35; at Jayson Andajan, 22, mga tauhan ng MECC Trucking na may tanggapan sa Lakandula Street, Tondo, Maynila.

Matatandaan na natagpuan ang mga bangkay da­kong alas-8:30 noong Biyernes ng gabi sa loob ng sinasakyan nilang container van na nakaparada sa Sta. Maria Drive, Brgy. Bagumbayan, Taguig. 

Tadtad ng tama ng sak­sak at bala ang mga biktima habang nakatali ang kamay at  may busal ang kanilang bibig.

Ayon kay Cynthia Navarro, manager ng MECC Trucking, magkakarga sana ang tatlong biktima ng tanso na nagkakahalaga ng P20 milyon at dadalhin ito sa Pier 15 para ikarga ang karga­mento sa barko.

Aalamin naman sa pag­sisiyasat nina PO3 Erick­ Escoba at PO2 Victor Amado­ Biete kung naikarga na ng mga biktima ang natu­rang mga kargamento bago nangyari ang krimen dahil pawang mga bangkay na lamang ang laman ng container nang madiskubre ang van.

 

Show comments