Kemikal, ginagamit sa holdap, taxi driver arestado

MANILA, Philippines - Isang taxi driver, na suma-sideline umanong holdaper at sinasabing gumagamit ng kemikal sa pambibiktima, ang naaresto ng mga tauhan ng Pasig City Police at Brgy. Security Force (BSF) ng Mangg­ahan, sa Pasig City.

Kinilala ang suspect na si Dominador Obsenarez, 38,  residente ng Tupaz Sub­division, Gitnang Bayan I, San Mateo, Rizal.

Si  Obsenarez ay naaresto ng mga awtoridad matapos na tangkain umano nitong bik­timahin ang 18-anyos na estudyante na si Micah Crystel Sual, na residente ng Block 1, Lot 16, Aduana Metro­polis, Brgy. Sta. Lucia, Pasig City.

Batay sa ulat ng Pasig City Police na nakarating sa tang­gapan ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-6:45 ng gabi ng Nobyembre 28 nang mada­kip ang suspect sa Amang Rodriguez Avenue corner
East Bank Road, Brgy. Manggahan, Pasig City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Melvin Jesus Men­doza, lumilitaw na bago ang pagka­kaaresto sa suspect ay sumakay ang biktima sa TRICON taxi cab (TWJ-743) na minamaneho nito.

Maya-maya ay nakalanghap umano ang biktima ng kaduda-dudang amoy, na hi­nihinalang mula sa isang uri ng kemikal, na dahilan upang mahilo ito at makaramdam ng pamamanhid ng katawan.

Naghinala ang biktima sa taxi driver kaya’t tinangka nitong buksan ang pintuan ng taxi upang tumakas, ngunit kaagad siyang pinigilan ng suspect.

Show comments