MANILA, Philippines - Dalawang binata ang kapwa kritikal matapos na saksakin ng palaboy at mga holdaper sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City.
Ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Allen Duringo, 20, ng Lucas Castro Compound, Santa Quiteria, ng naturang lungsod habang pinaghahanap naman ng mga pulis ang palaboy na si Emmanuel Caiña.
Ayon sa report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling-araw sa comfort room ng Flying V Gas Station sa Tullahan Road, Santa Quiteria ng naturang lungsod.
Pumasok ang biktima dito at sinundan ng suspect at habang umiihi ang una ay inundayan ito ng saksak ng huli.
Sa kabila na duguan ang biktima ay nagawa nitong makalabas sa restroom at dali-dali itong dinala sa naturang ospital ng ilang taong naroroon. Ang suspect naman ay mabilis na tumakas. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.
Samantala, inoobserbahan naman sa Manila Central University (MCU) Hospital si Oliver Aguirre, 22, ng East Libis ng lungsod.
Base sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang inÂsidente alas-10:40 ng umaga, habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng P. Gomez St., ng naturang lungsod nang harangin ito ng mga suspect at holdapin.
Kinuha ng mga suspect ang cellphone, subalit pumalag ang biktima dahilan upang saksakin ito.
Kahit sugatan ay nagawang makatakbo ng biktima at makahingi ng tulong upang madala ito sa naturang paÂgamutan habang tumakas naman ang mga suspect kung saan inaalam na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga suspect.