MANILA, Philippines - Dalawang pulis na aaresto sana sa isang suspect sa kasong pagpaslang ang nasugatan sa isang engkwentro sa pagitan ng mga armadong grupo sa Brgy. North Fairview, lungsod Quezon, iniulat kahapon. Ayon kay Quezon City Police District director Chief Superintendent Richard Albano, nakilala ang mga pulis na sina PO3 Dandy Pascacio at PO1 Roberto San Miguel, kapwa nakatalaga sa Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit. Isa sa apat na suspect ang sugatan din sa insidente at nakaratay ngayon sa ospital. Kinilala itong si Samsuding Anarik, 24, tubong Marawi at residente sa Brgy. North Fairview. Tinutugis naman nila ang mga kasamahan nitong nakilala sa mga alyas na Walad, at Tago na nakatakas. Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Baker St., corner Adrian St., ng nasabing barangay ganap na alas- 5 ng hapon.
Bago ito, ipinadala ng CIDU ang mga pulis sa North Fairview Subdivision para magsagawa ng follow-up investigation, gayundin para makakuha ng kopya ng CCTV footage na nangyaring pamamaril noong Nov. 23, 2013 sa harap ng Petron Gasoline Station sa Atherton St., Brgy. North Fairview.
Ang biktima sa nasabing insidente ay nakilalang si Mark Mathew Alvarez, 24, sales executive ng Mitsubishi Motors. Dalawang testigo ang tumukoy sa pagkakakilanlan ng dalawang killer ni Alvarez na sina Walad at Tago, dahilan para magsagawa ng follow-up operation ang tropa sa lugar na pinaniniwalaan na kanilang pinagtataguan.
Habang patungo ang mga operatiba sa lugar, naispatan ng mga ito ang isang bagong pinturang Honday Scoopy scooter na hinala nilang pag-aari ng biktimang si Alvarez, habang nakaparada sa may Baker St. corner Adrian St. Dahil dito, agad na bumaba ang mga operatiba sa kanilang sasakyan para tignan ang motor, pero bigla na lang silang sinalubong ng mga putok ng baril sanhi para tamaan sina PO3 Pascasio at PO1 San Miguel.
Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga natitirang operaÂtiba na nauwi sa palitan ng putok, hanggang sa tamaan ang suspek na si Samsuding na tinangka pang tumakas kahit sugatan pero agad din itong nakorner ng mga una.
Narekober kay Samsuding ang isang kalibre 45 baril; isang fragmentation granade.