MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong smuggling ng Bureau of Customs sa Department of Justice (DOJ) ang apat katao dahil sa tangkang pagpupuslit ng mga kargamento nang walang permiso mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Kabilang sa mga kinasuhan ay ang may-ari ng Silver Glade Enterprises na si Marcelo N. Gomez dahil sa pagpapalusot ng isang 40-footer container van ng bawang mula sa China na nagkakahalaga ng P2-milyon. Dumating ang kargamento sa Port of Manila noong October 3, 2013.
Kinasuhan din si Alejandro M. Santos, may-ari ng Elusive Quality Trading at si Customs Broker Christopher B. Miguel, dahil sa tangkang palusutin ang 20-footer container van naman ng sibuyas na galing din sa China na umaabot din sa haÂlagang P2-milyon. Nasa Port of Manila ang kargamento noong October 2, 2012.
Si Melinda U. Tan, may-ari ng DMT Marketing ay kinasuhan din dahil naman sa tangkang pag-smuggle ng anim na 40-footer container van ng mansanas mula sa China na nagkakahalaga ng P12.5-milyon. Wala ring pahintulot mula sa BPI ang hot apple shipment ni Tan na dumating sa Port of Cagayan de Oro noong October 30, 2013.
Sa kabuuan ay umaabot sa P16.5-milyon ang halaga ng kasong smuggling laban sa mga respondent.
Ang paghahain ng kaso sa DOJ ay pinangunahan ni Customs Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group Maria Edita Tan.