MANILA, Philippines - Masuwerteng sa tuhod lamang nagtamo ng bala ang isang retiradong pulis-Maynila nang agawan ng gintong bracelet ng apat na lalaking magkaka-angkas sa dalawang motorsiklo malapit sa kanyang bahay sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga. Nilalapatan ng lunas sa University of Santo Tomas (UST) Hospital ang biktimang si retired Senior Insp. Cresencio Viray, 58, residente ng Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Julio Espiritu, ng Manila Police District- Station 3, dakong alas-7:45 ng umaga nang maganap ang insidente di-kalayuan sa bahay ng biktima.
Nagpapainit lamang umano ng kotse para magtungo sa trabaho ang biktima na nakaupo sa driver’s seat nang lapitan ng mga suspect na pawang nakasuot ng helmet at hinablot ang suot nitong bracelet.
Sakay umano ng isang kumbinasyong kulay itim, dilaw na scooter at isang kulay pula na may itim na motorsiklo ang ang apat na suspect na tumakas matapos matangay ang nasabing bracelet.