MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology ang patay makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa Commonwealth Avenue lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO3 Alvin QuiÂsumbing, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) kinilala ang biktima na si Jail Officer 2 Inocencio Velasquez, 44, nakatalaga sa Office of the General SerÂvices sa MinÂdanao at residente sa Brgy. Central sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may harap ng Diliman Doctors Hospital sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Brgy. Old Balara ganap na alas-12:30 ng hatinggabi.
Sabi ng guwardiyang si Alvin Gastardo, nagbabantay umano siya sa construction site ng ospital nang marinig niya ang mga putok ng baril mula sa nasabing lugar.
Dahil dito, agad niyang tiningnan ang pinanggalingan ng putok kung saan nadatnan niya ang biktima na duguang makahandusay at wala nang buhay. Agad ding ipinabatid ng guwardiya ang insidente sa pulisya.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala ng kalibre 9mm pistola, isa sa likod, isa sa dibdib at isa sa likurang bahagi ng kaliwang tenga.
Inaalam din ng awtoridad kung may dalang service fireÂarm ang biktima nang paslangin ito. Narekober din ang motorsiklo ng biktima sa lugar na may plakang BJMP habang nakasabit pa ang pulang helmet sa kaliwang side mirror nito.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente at inaalam kung sino ang salarin.