Lalaki pumalag sa mga holdaper, patay

MANILA, Philippines - Nasawi ang bayaw ng may-ari ng isang bayad center  matapos makipagbarilan sa dalawang hindi pa kilalang mga holdaper na sumalakay  sa nabanggit na establisimento sa Caloocan City kamakalawa.

Dead-on-arrival sa Pacific Global Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa ka­tawan ang biktimang si Conrado Miranda, 43, nakatira sa   General Luis St., Kaybiga ng naturang lungsod.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon,  alas-2:30 ng hapon nang salakayin  ng mga  holdaper na riding-in-tandem ang Bayad Center na pag-aari ng bayaw ng biktimang si Miranda, na mata­tagpuan sa General Luis St., Kaybiga ng naturang siyudad.

Tinangay ng mga suspek ang P11,000, na kinita ng Bayad­ Center bago nagsi­takas,  subalit hinabol at pinutukan sila ng biktima.

Gumanti ng mga putok ang mga suspek at tinamaan sa katawan ang biktima na sanhi ng kanyang kamatayan, habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspect.

Inaalam na ng mga pulis kung may CCTV ang Bayad Center o sa mga katabing establisimento na posibleng makapagbigay ng impormasyon hinggil sa suspek.

Show comments