Binatilyo dedo sa resbak

MANILA, Philippines - Patay ang isang 16-anyos na binatilyo nang barilin matapos na pagtulungang bugbugin ng  apat na kalalakihan  kabilang  ang nobyo ng dalagang kanyang nakasagutan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng  gabi.

Namatay  habang  ginagamot  sa  Chinese General Hospital ang biktimang si Christian Texon, ng  Simon St., Sampaloc, Manila dakong ala-1 ng  madaling-araw.

Isang malawakang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspect na sina Jeremy John Reyes, 20; Doods Cortez, 20;  isang Hector Salazar at isang alias Bernok na pawang tumakas matapos ang pamamaril.

Sa report  ni Senior Inspector Steve Casimiro, chief ng MPD-Homicide, dakong alas-6:15 ng gabi kamakalawa  nang maganap ang insidente sa New Antipolo St., Tondo, Manila.

Nauna rito, nakitang nagtatalo ang biktima at girlfriend ng suspect na si Reyes at ilang sandali pa ay umalis ang babae at nagsumbong sa nobyo na noon ay nakikipag-inuman  sa kanyang  tropa.

Sumbong umano ng siyota ni Reyes na siya ay binu-bully ng biktima. Dahil dito, kaagad na tumayo ang grupo ng suspect  kung saan kinompronta at pinagtulungang bugbugin saka binaril ang  biktima.

Nang bumulagta ang biktima ay isa-isang nagpulasan ang mga suspect habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit namatay din kahapon.

Show comments