Holdaper patay sa gulpi

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang hinihinalang holdaper makaraang pagtulungang gulpihin ng mga galit na pasahero ng isang jeep na kanyang pinagtangkaang biktimahin sa Pasay City, kamakalawa ng madaling araw.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang hindi pa nakikilalang lalaki na nasa pagitan ng edad 30-35 anyos, katamtaman ang katawan, mahaba ang buhok, nakasuot ng t-shirt na iba-iba ang kulay at maong na pantalon.

Hindi naman mahagilap ngayon ang limang lalaki na nakitang nagtulong-tulong sa panggugulpi sa nasawi.

Sa ulat ng Pasay Police, naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa kanto ng Cabrera at EDSA sa naturang lungsod.  Ayon sa dalawang tricycle driver na nakasaksi sa insidente, nakita nila na bumaba ng jeep ang limang lalaki at hinabol ang isa pa.

Sumisigaw umano ang mga ito ng, “holdaper ka”.  Nang abutan, walang habas na pinagsusuntok at pinagtatadyakan ng naturang kalalakihan ang nasawi hanggang sa lubayan ito.

Nakuha naman ng pulisya sa nasawi ang isang replica ng kalibre .38 revolver na may anim na bala na nakasukbit pa sa kanyang baywang.

Show comments