2 totoy nalunod sa lagoon ng sementeryo

MANILA, Philippines - Labis ngayon ang hi­nagpis ng pamilya ng dalawang binatilyo na kapwa nasawi makaraang malunod sa lagoon sa loob ng isang sementeryo sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Johnrick Quinones, 14; at Matthews Cuyugan, 12, kapwa ng Fox. St., Palar Village, Brgy. Pinagsama, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insi­dente dakong alas-2:45 ng hapon sa loob ng Northwing ng Heritage Park sa Pinagsama Village, ng naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng mga imbestigador, nagtungo umano sa loob ng sementeryo ang dalawang binatilyo upang mamingwit  kasama ang iba pang kabataan.  Nadulas umano si Cuyugan na nahawakan naman ng isa pang bata na si Mark Andrew ngunit nakabitaw pa rin ang biktima.

Tumalon naman sa lagoon si Quinones upang iligtas si Cuyugan ngunit maging ito ay nahatak pailalim ng nagkakawag na bata.  Ayon sa mga saksi, humingi sila ng saklolo sa mga security guard ng naturang sementeryo ngunit hindi umano sila pinansin.

 

Show comments