BOC employee, biktima ng akyat- bahay

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P.1 milyong halaga ng cash at mga gamit ang natangay sa isang kawani ng Bureau of Customs matapos na pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Personal na idinulog sa pulisya ng biktimang si Frederick Taguibao ang pagkawala ng kanyang P40,000 cash at mga gadgets at iba pang items matapos ang pagna­nakaw sa kanyang bahay sa Brgy. Gulod, Novaliches.

Ayon kay SPO1 Rommel Tiangco ng Nova­liches police station, isa sa suspect ang nakilala ng biktima mula sa rogue galary pero hindi muna pinangalanan habang patuloy ang follow-up investigation.

Bukod sa cash, natangay din sa biktima ang isang iPad4 tablet (P32,000), isang iPad Nano (P10,000), isang Samsung cellphone (P6,000), isang Nokia cellphone (P15,000; isang G-shock watch (P7,000), gayundin ang ATM at credit cards.

Ang pamilya Taguibao ay natutulog sa pagitan ng alas-12:20 at alas 4:20 ng hapon sa loob ng kanilang bahay nang pasukin sila ng isang suspect,  base sa pahayag ng ilang kapitbahay.

Ang suspect ay pumanik umano patungo sa bintana ng bedroom, at nang makapasok ay saka kinuha ang mga gamit mula sa isang kuwarto. Matapos nito ay agad na tumakas ang suspect.

Sa pagsisiyasat, narekober naman ng awtoridad ang isang data cable ng nawawalang iPad sa harap ng bahay ng biktima. Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.

 

Show comments