Holdaper todas sa pulis

MANILA, Philippines - Isa sa dalawang holdaper ang napatay makaraang mabaril ng pulisya habang sakay ng traysikel na may limang pasahero sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang napatay na si Rolly Libongcogon, 22, habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito, ayon kay PO2 Alvin Quisumbing.

Si Libongcogon ay nabaril ni PO2 Francisco Sasam ng Quezon City PNP Station 7.

Sa imbestigasyon ni PO2 Quisumbing, naganap ang insidente sa bahagi ng IBP Road, panulukan ng Sampaguita St. sa Brgy. Payatas.

Nabatid na pauwi na si PO2 Sasam lulan ng traysikel ni Ronnie Sumalbar kasama ang mga pasaherong sina Aira Morillo, Elaiza Mae Gaite at France Sullania nang harangin at holdapin ng dalawa.

Si Libongcogon na armado ng patalim ay tinutukan si PO2 Sasam sabay agaw sa sling bag nito, habang nagsilbing look-out naman ang kasama nito.

Sa komosyon ay nagpakilalang pulis si Sasam pero sa halip na tumigil, tinangka pa ni Libongcogon na saksakin ang pulis pero mabilis na pinutukan ito.

Show comments