Commuters inararo ng jeep: 1 patay, 17 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang patay habang, 17 ang sugatan nang araruhin ng isang jeepney habang nag-aabang ng masasakyan ang mga biktima sa Brgy. Rosario, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Ang nasawing biktima ay kinilala ni P/Insp. Ernesto Mones, hepe ng Traffic Division ng Pasig City Police, na si Pancho Greg, 22, residente ng Brgy. Rosario.

Si Greg ay isinugod sa Pasig City General Hospital (PCGH) ngunit idinekla­rang dead-on-arrival ng mga doktor dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at katawan.

Samantala, ang mga sugatan naman ay kasa­lukuyang ginagamot sa magkahiwalay na ospital.

Arestado naman ang driver ng pampasaherong jeep (TXE-196) na si Richard­ Portillo, ng Milon­ St., Brgy. Manggahan, Pasig City.

Lumilitaw sa pagsisi­yasat ni PO3 Randy Te­dera, imbestigador ng Pasig City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa Amang Rodriguez Avenue, Brgy. Rosario, Pasig City.

Bago ang aksidente, binabagtas ni Portillo ang nasabing lugar at patungo na sana sa paradahan ng jeepney nang bigla umanong maistak ang silin­yador nito.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang suspek at inararo ang mga biktima na noon ay nag-aabang lamang nang masasakyan sa gilid ng kalye.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung nakainom ang suspek, na nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at multi­ple injuries

Show comments