Taxi driver tinaniman ng bala sa ulo

MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang taxi driver sa loob ng minamaneho nitong sasakyan dahil sa isang tama ng bala sa ulo, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Nakilala ang nasawi na si Daniel Atis, ng Padilla St., Brgy. Lower Bicutan, Taguig City.

Sa ulat ng Las Piñas City Police, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang matagpuan ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang minama­nehong taxi na (UYA-214) na nakaparada sa C-5 Extension, Brgy. Pulang Lupa Uno, ng naturang lungsod.

Ayon sa barangay tanod na si Romulo Velarde, nagpapatrulya sila nang mapansin ang taxi na kahina-hinalang nakaparada sa madilim na bahagi ng C5 Road. Nang kanilang lapitan ito, nakita nila si Atis na naka­subsob sa may driver’s seat.

Nang kanilang tangkaing gisingin ito, nadiskubre nila na tigmak ito ng dugo at may tama ng bala sa ulo.  Agad na iniulat ng mga tanod ang insidente sa pulisya.

Sa imbestigasyon, may posibilidad na hindi panghoholdap ang motibo ng krimen makaraang marekober ang pitaka ng biktima na may laman pang P2,100 at kanyang lisensya kaya madali itong nakilala.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

Show comments