Barker binoga dedo

MANILA, Philippines - Patay ang isang barker ng jeepney makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa isang kalye sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Si Jayson Bautista, 23 ay idineklarang dead on arrival sa ospital bunga ng mga tama ng baril sa kanyang katawan, ayon kay PO2 Marlon Dela Vega, may-hawak ng kaso.

Nangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima sa may Geronimo St., Brgy. Sta Monica, Novaliches, ganap na alas 7:45 ng gabi.

Ayon kay Melissa Acuba, naglalakad siya sa nasabing lugar kung saan nakatayo naman di-kalayuan ang biktima nang bigla na lamang umalingawngaw ang mga putok ng baril. 

Agad na nagtatakbo patungo sa direksyon ng putok si Acuba, hanggang sa salubungin siya ng isang istambay at sabihang pinagbabaril ang biktima.

Samantala, tiyempo namang nagpapatrulya ang isang mobile car ng Novaliches Police Station sa lugar at narinig ang putukan, kung kaya agad na rumisponde at isugod sa Novaliches District Hospital ang biktima, pero idineklara din itong dead on arrival.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments