Ex-seaman tumungga ng lason sa garapata

MANILA, Philippines - Patay na ang 37-anyos na dating seaman makaraang uminom ng tinunaw na gamot na pan­lason sa garapata ng aso sa loob ng isang hotel, sa C.M. Recto, Quiapo, Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 4:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay at may bula sa bibig  ang biktimang si Bayani Jade Resos, tubong Banga, Aklan at residente   A. Quezon St., Don Bosco, Tondo, Maynila sa loob ng Room 312 ng Sogo Hotel, sa Cartimar Bldg., CM Recto Ave., Quiapo, Maynila.

Nakuha sa  tabi ng biktima ang isang transparent plastic bottle na may tira pang powdered chemical na ginagamit sa pagpatay ng mga garapata ng aso  at residue sa baso na hinihi­nalang tinunaw bago ininom.

May tatlong basyo ng beer na sinasabing inorder ng biktima nang mag-check-in ito  dakong alas-9:00 ng umaga kamakalawa.

Lagpas na umano sa oras kaya napilitan nang gamitan ng duplicate key ang silid ng biktima dahil hindi ito sumasagot sa tawag at mga katok ng mga empleyado sa hotel.

Narekober lamang sa biktima ang kaniyang cellphone at wallet na may calling cards.

Inilagak na sa Nathan Funeral Homes ang labi ng biktima para sa awtopsiya at safekeeping.

 

Show comments