MANILA, Philippines - Nasawi ang isang pulis na miyembro ng Highway Patrol Group at isang hinihinalang karnaper habang lima pa ang sugatan sa naganap na barilan sa isang compound sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa si SPO1 Macario Romano, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan habang nasawi rin sa Alabang Medical Clinic ang pinaghihinalaang karnaper na si Michael Maranan, alyas Jordan, 33.
Sugatan naman sa naturang insidente sina SPO1 Aniceto Santiago ng HPG, PO3 Mersan Rapirap ng Muntinlupa police station at tatlong sibilyan na sina Aileen Duran, 30; Anna Loraine Maranan, 28; at ang 10-taong gulang na si Heart Macapagal, pawang mga nakatira sa Fabian Compound.
Sa ulat na inilabas ng Muntinlupa Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi matapos magsagawa ng anti-carnapping operation ang HPG laban kay Maranan sa naturang compound. Nakatakdang arestuhin si Maranan ng mga tauhan ng HPG nang pumalag umano ito at makipagbarilan sa mga pulis.
Dumating rin ang pulis na si Rapirap na nakatira rin sa naturang compound at pinagbabaril ang mga tauhan ng HPG. Gumanti naman ang mga tauhan ng HPG at tinamaan rin si Rapirap. Sa pagamutan, ikinatwiran ni Rapirap na inakala niyang mga kriminal ang mga tauhan ng HPG na namamaril sa tinitirhang compound kaya niya pinagbabaril ang mga ito.
Napuruhan rin naman ng bala ang suspek na si Maranan habang tinamaan ng ligaw na bala ang mga sibilyan na nakatira sa compound. Hindi pa naman tiyak kung kanino nagmula ang balang tumama sa nasawing si Romano at sugatang si Santiago.
Nakatakdang isailalim naman sa masusing imbestigasyon ang pulis na si Rapirap sa posibleng kaugnaÂyan sa operasyon ng suspek na si Maranan na kasama lamang niya sa iisang compound.