138 illegal alien workers nadakip ng BI

MANILA, Philippines - Makaraang lumitaw na walang mga  working permit at visa, dinakip ng mga tauhan ng  Bureau of Immigration ang may 138 Chinese nationals  sa isang construction site sa Calaca, Batangas.

Batay sa natanggap na report ni  BI Officer-in-Charge Siegfred Mison, nakorner ang mga  ito sa project site sa NEPC Power Corp. sa  Barangay Puting Bato, Calaca  bunsod na rin ng  impormasyon mula sa ilang mga concerned citizens at agencies.

“They were later brought to the Immigration Field Office in Batangas City for interview, verification and inquest proceedings,” ani  Mison.

Paliwanag ni  Mison, kahit isa  sa mga foreign workers ay hindi nakapagpakita ng passports o anumang travel documents  nang kuwestiyunin ng mga awtoridad.

Ang mga ito ay sasailalim sa preliminary investigation  kasabay ng pagsasampa ng kaukulang kaso.

“We will deport them immediately once the Board of Commissioners established  that they have been working here without a visa,” dagdag pa ni Mison.

Iginiit ni Mison  na nagpalabas na sila ng  advisory sa mga kompanya  hinggil sa pagkuha ng mga mang­gagawang  dayuhan na walang  kaukulang paples.

Sinabi naman ni Atty. Jose Carlitos Licas, BI Acting Intelligence Chief,  na nagsagawa ng surveillance ang mga ahente ng BI bago isinagawa ang  pagsalakay.

 

Show comments