Pekeng opisyal ng Comelec at PRA, hulog sa bitag ng NBI

MANILA, Philippines - Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nagpakilalang opisyal ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at isa namang nagpakilalang opisyal ng Commission on Elections (Comelec)  sa isinagawang entrapment operation kaugnay sa iligal na transaksiyon nito sa pagpapa-upa ng lote na pag-aari umano ng Comelec, sa Pasay City, kamakalawa.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Atty. Medardo de Lemos ang mga dinakip na sina Gerald Matuan Red, 38,  ng Tabon, Kawit, Cavite at Germelina Aguitan, 42, ng  Coromi St., San Francisco Del Monte, Quezon City.

Ang pag-aresto sa da­lawa ay bunsod ng reklamong inihain sa NBI-Intelligence Services ni Alberto Abesamis, Chairman/President ng Solid State Infotech, Inc., na isinagawa sa Marriot Hotel sa Pasay City.

Sa operasyon ay nadakip sina Red at Aguitan sa na­sabing hotel, kung saan isinagawa ang ikalawang bayaran sa transaksiyon.

Nabatid sa ulat na noong Setyembre 24, 2013, nang magkita sa Marriot Hotel at magpakilala umano si Red sa biktima na chairman siya ng PRA Bids and Awards Committee at inalok ang pinauupahang 2 ektaryang lote sa Pasay na pag-aari ng Co­melec sa halagang P1.6-milyon.

Noong Setyembre 26, mu­ling nagkita ang biktima at suspect  sa nasabi ring hotel, dala nito ang isang sulat na mula umano sa isang Helen F. Aguila Flores, deputy director for  Administration ng Comelec, kasama ang kopya ng mapa ng lupa, na saklaw ng inaalok na transaksiyon.

Nanghihingi umano sa biktima ng P250-libo bilang partial payment si Red na kinabu­kasan (Set. 27) ay iniabot na nito ang halaga nang makipagkita na ang sinasabing si Helen F.Aguila Flores (na kalaunan ay nakilalang si Aguitan)  sa lobby ng Maxim Hotel.

Setyembre 28 nang tawagan muli ang biktima ni Aguitan at sinabing hinihingi umano ni Comelec Chairman Sixto Brillantes ang P350,000 para sa  kabuuang halaga ng   downpayment na P600,000.

Nagkita sila at ibinigay ng biktima ang P350,000 kapalit ng kopya ng umano’y contract lease .

Noong Set. 30, muling ti­na­wagan ni Aguitan ang biktima at muling humihingi ng P1 milyon para sa transfer of right at dito na nagduda ang biktima kaya sinabi ng huli na ibibigay nito ang kabuuan sa susunod na araw.

Nais umanong maka­siguro ng biktima sa bibitawang malaking halaga, nagberipika sa Comelec, kung saan niya nadiskubre na naroon ang tunay na si Helen Aguila F. Flores at peke ang kanyang nakausap at inabutan ng pera. Naging dahilan naman upang dumulog ng tulong sa NBI ang biktima at inilatag ang entrapment operation­, kung saan na­aresto ang dalawa.

Kasong Estafa at At­tempted Estafa through Falsification of Public Documents ang inihaing reklamo laban sa mga suspect.

Show comments