BFP official timbog sa kotong

MANILA, Philippines - Arestado ang isang kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang entrapment operation dahil sa umano’y pangingikil sa isang contractor ng halagang P20,000 kapalit ang fire safety certificate sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 3, nakilala ang suspect na si Fire Officer 2 Jimmy Moralit, 33, na nakatalaga sa Masambong Fire Station. Siya ay inireklamo ng contractor na si Elias Santos, 59.

Sa inisyal na imbestigas­yon, dinakip si Moralit sa may Kambingan Canteen sa Road 20, Brgy. Bahay Toro, ganap na alas-11:30 ng umaga.

Bago ito, nauna na uma­nong nagbayad ng halagang P3,000 ang anak ni Santos sa nasabing istasyon para sa pagkuha ng fire safety certi­ficate. Pero, bago umano ibigay ang certificate, humirit umano si Moralit ng halaga pang P20,000, sanhi para makarating sa kaalaman ni Santos ang pangyayari.

Sinasabing inatasan ni Moralit si Santos na magkita sila sa Kambingan canteen para doon iabot ang nasabing pera.

Pero bago magpunta sa lugar, nagpasya si Santos na dumulog sa himpilan ng PS3 at humingi ng tulong. Agad namang ikinasa ng himpilan ang isang entrapment operation na ikinaaresto ng bumbero.

Narekober kay Moralit ang P10,000 marked money na ginamit sa naturang operasyon.

 

Show comments