Kapabayaan sanhi ng pagsabog sa Two Serendra

MANILA, Philippines - Kapabayaan ang itinurong sanhi sa pagsingaw ng Liquified Petroleum Gas na nagbunsod sa malagim na pagsabog sa Two Serendra  Condominium sa Taguig City na ikinasawi ng apat katao habang tatlo pa ang nasugatan noong Mayo 31.

Ito ang inianunsyo kahapon ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa ginanap na press conference sa Camp Crame.

Lumilitaw na magkatugma ang resulta ng pagsusuri ng Interagency Task Force ng pamahalaan at ng dayuhang ahensya ng Kroll Associates Inc. na nagsagawa ng parallel investigation sa pagsabog sa Unit 501-B ng Serendra II.

Natukoy sa imbestigasyon na ang linya ng gas ng cooking range sa nasabing unit ay kinumpuni ng pribadong kontraktor ng magkaroon ng renovation dito.

“The auto shut off model being used in the Two Serendra was off-normal, meaning the valve is open when power is off, which could have triggered gas accumulation in Unit 501-B”, dagdag pa ng Kalihim.

Sinabi nito na hindi naamoy ang singaw ng LPG bago ang pagsabog dahilan may halong ethyl mercapthar­ ang ‘vaporized gas distribution system “ at hindi rin  gumagana ang ‘leak detector ‘ sa nasabing condominium unit .

Samantala kabilang naman sa mga posibleng makasuhan ng kriminal at kapabayaan ay ang may-ari ng unit, pribadong kontraktor na nagsagawa ng renovation, Serendra II Inc, Bonifacio Gas Corporation at Makati Development Corporation.

Magugunita na ang malagim na pagsabog ng nasabing unit ay agarang ikinasawi ng tatlong empleyado ng Abenson Appliances na lulan ng delivery truck na nabagsakan ng konkretong bahagi ng sumabog na unit habang tatlo pa ang nasugatan.  Ang pang-apat ay ang umupa sa unit ay ang galing pa sa Estados Unidos na  balikbayang si Angelito San Juan na namatay sa hospital matapos ang 34 araw.

 

Show comments