MANILA, Philippines - Inaprubahan ng pamahalaang lungsod ng Makati ang “permit to rally†para sa inaasahang mas malaking “Million People March 2†sa kanto ng Ayala Avenue at Paseo de Roxas sa naturang lungsod sa darating na Oktubre 4 (Biyernes).
Ito ang sinabi ni Makati City Police chief, Sr. Supt. Manuel Lukban kung saan inihahanda na rin nila ang paglalatag ng seguridad para sa naturang malaking pagtitipon kontra sa pork barrel.
Kabilang rito ang pagtatalaga ng mga tauhan sa mga istratehikong lugar, pagsasara ng mga kalsada, at paglikha ng “traffic re-routing scheme†para naman sa mga maaapekÂtuhang mga motorista. Nakikipag-ugnayan umano sila ngayon sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang magdagdag ng mga tauhan sa lugar lalo na at hanggang gabi ang okasyon.
Sinabi ni Peachy Rallona Bretaña, isa sa organizer ng rally, na mag-uumpisa ang pagkilos dakong alas-3 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi sa darating na Biyernes. Itiniyempo nila sa weekend at sa oras ng uwian ang pagtitipon upang mahikayat ang mga empleyado sa Makati Business District na makilahok sa kilos-protesta at madinig rin ang kanilang mga boses.
Bukod dito, hinikayat rin ng mga organizer ang mga mayayamang negosyante at pamilyang naninirahan sa Makati City na sawa na sa maruming sistema ng pamahalaan para makilahok rin sa kanila.
Hindi tulad ng naunang “Million People March 1†na isinagawa sa Luneta, magkakaroon ng programa sa naturang okasyon at may mga speaker rin na magsasalita.
Nilinaw naman ng mga organizer na bawal sa pagtitipon ang pag-epal ng mga politiko na makikisakay sa ipinaglalaban kontra sa “pork barrelâ€.
Bukod sa naturang pagkilos, sinabi ni Bretaña na hindi sila titigil at magkakaroon pa ng mga susunod na pagkilos hanggang hindi pinakikinggan ng pamahalaan ang panawagan ng taumbayan ng pagbuwag sa “pork barrel†sa Kongreso, Senado at maging sa Malacañang.
“Pinapatikim lang tayo para mapatahimik. Akala nila mapapatahimik tayo eh. Hanggang ngayon, lalo pang lumalaki ang katiwalian na nakikita natin,†ayon kay Bretaña.