2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Caloocan

MANILA, Philippines - Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng Caloocan City Police hinggil sa pagkamatay ng dalawang lalaki habang  kritikal naman ang isa pa matapos na pagbabarilin ang mga ito ng dalawang hindi pa kilalang suspek kama­kalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Nasawi noon din si Ralph Guerrero, 29,  ng Tabon St., Malaria,  ng naturang lungsod, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Dead-on-arrival naman nang dalhin sa East Avenue Medical Center  si Conrado Tabile Jr., 24,  ng Sampaguita St. ng naturang lugar.

Inoobserbahan naman sa nasabing ospital sanhi rin ng mga tama ng bala sa katawan si Richard Matias.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Station Inves­tigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong  alas-11:00 ng gabi sa Tabon St., Malaria ng naturang lungsod habang nakatayo si Tabile sa  lugar ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki at paulanan ito ng bala.

Nahagip din ng mga ligaw na bala ang nag-iinumang­  sina Guerrero at Matias na malapit sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang dinala sa naturang ospital  sina Tabile at Matias.

Hindi na umabot ng buhay si Tabile, samantalang si   Guerrero­ ay nasawi noon din.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang pamamaril ng suspect.

 

Show comments