Ika-6 na suspect sa Davantes slay, itinatago

MANILA, Philippines - Blangko ang Task Force Kae sa kinaroroonan ng ika­anim na suspek sa pagpatay sa advertising executive na si Kristelle “Kae” Davantes na posible umanong nagtatago o itinatago ng mga kaanak nito.

Sinabi ni TF Kae head, Chief Supt. Christopher Laxa, na hindi nakikipagtulungan sa kanila ang pamilya ng suspek na si Baser Minalang ngunit patuloy pa rin ang kanilang maigting na “manhunt operations” upang maaresto ito.  Nanawagan si Laxa sa mga kapamilya ni Minalang na isuko na ito upang harapin ang kaso.

Pinakahuling nadakip ng pulisya ang 19-anyos na si Kelvin Joric Evangelista sa isang bus terminal sa Cabanatuan City makaraang isuplong­ ng kanyang ama bago pa man makaalis ito patungo sa lalawigan ng Aurora.

Sinabi ni Laxa na sapat na ang mga isinampang kasong qualified car theft at robbery with homicide sa Department of Justice laban sa mga suspek na sina Minalang, Evangelista, Samuel Decimo, 19; Reggie­ Diel, 30; Lloyd Enriquez, 18; at Jomar Pepito, 23.

Ayon pa sa opisyal, isang baguhang grupo ng mga holdaper na nais magkaroon ng pangalan ang binuo ng mga suspek. Nag-ooperate ang mga ito sa lalawigan ng Cavite­ at mga karatig-lungsod sa Metro Manila.

Idinagdag pa nito na hindi pa napag-uusapan kung saan mapupunta ang inilabas na P2.5 milyong reward para sa pagkakalutas sa kaso at pagkakadakip ng mga suspek.  Sinabi ni Laxa na may proseso pa umano itong dadaanan at hindi pa batid kung sa Task Force ibibigay o sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyang unang nakadakip kay Decimo.

Kung mailalabas umano ito, sinabi ng heneral na mas nanaisin pa niya na ibigay na lamang ang pera bilang donasyon sa mga naapektuhan ng giyera sa Zamboanga City at sa mga biktima ng landslide sa Olongapo City.

 

Show comments