MANILA, Philippines - Nilinaw ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang Southwest Terminal sa Uniwide Coastal Mall sa Parañaque ay ginawa sa layuning paluwagin ang trapiko at hindi upang pahirapan ang mga pasahero.
Kasabay ito, sinabi ni Tolentino na walang anomalya sa P24-milyong kontrata sa upa ng MMDA sa Uniwide sa loob ng dalawang taon at pagsasaayos ng terminal lalo na kung ikukumpara sa tinatayang P2.5 bilyong naaaksaya bawat araw dahil sa mabigat na trapiko.
Ang MMDA ay mahigpit na binabatikos ng ilang samahan ng mga pasahero dahil umano sa maling lokasyon ng terminal at karagdagang gastos sa pasahe, gayundin ng mga tsuper at operator ng bus dahil naman sa pagbaba ng kanilang kita mula ng buksan ang terminal.
Hinihinala ni Tolentino na ang mga provincial operator ng mga colorum na bus ang nasa likod ng organisadong pagkontra sa naturang terminal.
Ginagawa nila ito, upang hadlangan ang pagtatayo ng tatlong permanenteng bus terminal sa Parañaque, Alabang at Trinoma na matatapos sa 2015.
Labis na nasaktan ang mga operator ng colorum na bus mula ng buksan ang Southwest Terminal at ng maghigpit ang Maynila sa pagpasok doon ng mga bus at hindi maikakaila na malaking bilang ng mga bus ang nawala sa EDSA at iba pang lansangan, ayon kay Tolentino.
“Ang terminal ay may maayos na antayan ng mga pasahero, chapel, laruan ng mga bata, comfort room na hindi matatagpuan sa nakagawiang sakayan at bababaan ng mga sumasasakay sa bus at kung mayroon pa itong kakulaÂngan ay patuloy itong isinasaayos ng MMDA,†ani Tolentino.