MANILA, Philippines - Patay ang isang buntis na guest relation officer (GRO) matapos itong hatawin ng martilyo ng isang lalaki sa Caloocan City kahapon.
Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang biktimang si Lorilyn Obiego, 29, ng Manggahan, Malaria ng naturang lungsod. Hindi naman batid kung ilang buwan na ang ipinagbubuntis nito.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang isang alyas Rolly na nangungupahan sa katabing kuwarto ng biktima sa nasabing lugar.
Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-5:45 ng umaga nang matagpuang walang buhay ng ilang residente ang biktima sa loob ng inuupahang kuwarto ni Rolly.
Halos mabasag ang bungo ng biktima na hinihinalang pinalo ng matigas na bagay kung saan nasa tabi nito ang isang martilyo na may bahid ng dugo.
Ayon sa may-ari ng mga paupahang kuwarto na si Rocky Lada, dalawang oras bago matagpuan ang bangkay ng biktima ay dumaan sa kanila si Rolly na may dalang bag at sinabing may pupuntahan lang aniya ito.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente at nagÂsasagawa na sila ng follow-up hinggil dito.