Mag-live-in, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Patay ang mag-live-in partner matapos na tambangan ng riding-in-tandem sa bahagi ng Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sina Edgardo Torres, 47, sidecar operator at   Paula Mariz Uy, kapwa residente ng Cristobal St., Tondo, Maynila ay kapwa idineklarang dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital.

Masuwerte namang nakaligtas at walang tinamong sugat o galos ang 4-anyos nilang anak na  babae.

Sa ulat ni PO3 Leste­r Evangelista ng Manila Police District-Homicide Section, sakay ang mga biktima at kanilang anak sa kulay asul na motorsiklo (Yamaha 8984 TI) na bumabaybay sa Sta. Maria St. dakong alas-7:30 ng gabi nang dikitan ng isa pang motorsiklo na  sakay ang dalawang suspect. Agad-agad na pina­ulanan ng putok ng baril ng mga suspect ang mga biktima saka mabilis na nagsitakas.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kaliwang pisngi si Torres habang sa kaliwang kili-kili naman nabaril si Uy.

Inaalam pa ang mo­tibo at pagkakakilanlan ng mga suspect.­

Magugunitang kamakailan lamang binaril din at napatay ang magka-live-in na sina Winebaldo Serrano, 52, engineer na  nakatalaga sa Presidential Managament Staff sa Malacañang at kina­kasama nitong si Le­ticia Gundayao, 49, Pru­dencio St., Sampaloc, Maynila.

 

Show comments