MANILA, Philippines - Kasabay ng kampanya nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno na matanggal ang korupsiyon, sinimulan na kamaÂkalawa ng mga ito ang pagkakaloob ng 20% komisyon ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila Traffic Police mula sa nakolektang mga traffic violations fines (TVF).
Ayon kay MTPB Director Carter Don Logica, nanguna sa nakakuha ng kanyang komisyon sina PO3 Francisco Amponin na umaabot sa P19,625.00 na indikasyon na marami itong bilang na nahuli na sinundan naman ni SPO4 Marinda Aristides na P13,540.00, kapwa ng Manila Traffic at Crisanto Malicsi, MTPB enforcer, na nakakuha ng kanyang share na P13, 390.
Sinabi ni Logica na ang 20% komisyon ay legal batay sa ordinansa na ipinatutupad sa ilalim ng Traffic Management Code.
Paliwanag naman ni Estrada, ito ang kanyang naisip na paraan upang doblehin ng mga traffic cops ang kanilang sipag sa panghuhuli sa mga traffic violators at maiwasan ang pangongotong.
Ang 20% share na ipinamigay ni Erap ay mula sa kabuuang nakolektang P3,563,975.00 simula pa noong Hulyo sa Lungsod ng Maynila.