Floodlights sa mga lugar sa QC na madalas bahain, igigiit

MANILA, Philippines - Kasunod ng mga pagbaha sanhi ng bagyong Maring at habagat, igigiit ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaroon ng floodlights na ikakabit sa mga lugar na madalas bahain, gayundin ang pagkakaroon ng karagdagang watercrafts para sa pagsasagawa ng rescue operations.

Ayon kay Senior Supt. Joel Pagdilao, QCPD deputy director for operations, kahapon idinulog na nila sa Quezon City  govern­ment ang listahan ng mga equipment na maaaring magamit ng mga pulis sa pagsasagawa ng rescue operations.

Sa ganitong pagkakataon anya ay madadagdagan ang mga teams ng QCPD na magre-rescue sa may 12 police stations.

Ang ilan sa mga listahan ng mga kagamitan na kanilang hiniling sa City Hall, dagdag ni Pagdilao, kung saan ang mas importante ay ang pagkakaroon ng flood lights at higit pang watercrafts.

Nilinaw ng opisyal na nakita niya ang malaking pangangailangan sa floodlights na nakakabit sa flood-prone areas dahil napatunayan nilang mahirap na suyurin ang mga lugar na madilim kapag nagre-rescue.

Giit nito, karamihan sa mga residenteng binaha ay walang kuryente o pinapatay ang kanilang switch sa takot na makuryente sa tubig kaya dumidilim ang paligid.

Pansamantala, dagdag pa ni Pagdilao tanging ang Police Stations 5, 4, 11, at 10 ang mayroong magagamit na watercrafts at kailangan anya ito ng bawat istasyon nila.

Magdaragdag din anya sila ng apat na rescue teams sa bawat istasyon ng pulisya.

Sabi pa ni Pagdilao may sapat na safety equipment ang bawat rescue personnel tulad ng lifevests, pero kailangan pa umanong dagdagan ito para naman sa mga isusuot ng mga sibilyan na kanilang inililigtas.

Show comments