7 talampakang sawa nalambat sa QC

MANILA, Philippines - Isang sawa na tinatayang nasa habang 7 talampakan ang nahuli sa kasagsagan ng pagtaas ng tubig-baha dulot ng pag-ulan sa kanto ng Maria Clara at Araneta Ave sa Bgy. Sto. Domingo, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Ayon sa barangay tanod na si Arsenio De Castro Jr., ng Bgy. Sto Domingo, ang sawa ay natagpuan ng mga kabataang nagtatampisaw sa tubig baha sa nasabing lugar, makaraang lumusot sa isang butas malapit sa creek, ganap na alas-10 ng gabi.

Nauna rito, isang lalaking nagbibisikleta ang umano’y tumawag sa mga kabataan hingil sa naturang sawa ma­karaang masagasaan niya ito, habang pagapang-gapang sa kalye ng Araneta Avenue.

Kaya naman paglapit ng mga bata sa lugar ay saka nila nakita ang sawa at pinagkaguluhan ito. Ti­yempo namang nagpapa­trulya ang ilang miyembro ng Barangay tanod sa lugar at hinuli ang sawa.

Nang mahuli ay may iniluwa pa umanong daga ang ahas na posibleng kinain nito sa naturang creek.

Dagdag ni de Castro, agad na dinala sa kanilang himpilan ang sawa at ina­lagaan, bago tuluyang inihatid kahapon ng alas-9 ng umaga sa Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) para sa kaukulang despo­sisyon.

Show comments