Holdaper utas, 1 pa bugbog sa taumbayan

MANILA, Philippines - Isa sa dalawang teenager na holdaper ang patay makaraang  bugbugin ng taumbayan na rumesponde sa paghingi ng tulong ng isang taxi driver sa pamamagitan ng pagbusina matapos ang panghoholdap sa kanya sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Si Aron Concepcion, 18, ay nasawi sa Quezon City Ge­neral Hospital dahil sa mga tinamong injuries sa kanyang ulo at katawan, ganap na alas 4:45 kahapon ng madaling-araw habang ang kasamahan nitong si  Christian De Guzman, 19, ay nakaditine naman sa himpilan ng CIDU matapos magamot ang mga pasa sa kanyang katawan.

Ayon kay PO2 Gilbert Marinas, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente ganap na alas 11 ng gabi, nang parahin ng mga suspect ang taksi (PXZ-751) na pinapasada ni Ildefonso Ferrer,50 sa may kahabaan ng Betty Go Belmonte St., at nagkunwaring mga pasahero.

Nagpahatid ang dalawa sa Rosario Drive at pagsapit sa naturang lugar ay biglang nagbunot ng patalim ang mga una sabay deklara ng holdap. Nang matangay ng dalawa ang kinita ng driver na halagang P4,500 ay agad na tumakas ang mga ito.

Sa puntong ito, agad na ini-locked ng driver ang pinto ng kanyang taksi saka paulit-ulit na binusina ito na  nakapukaw ng atensyon sa mga taong nasa kalye at hinabol ang mga suspect at nang mahuli ay saka pinagbubugbog.

Nabawi din ng driver ang kanyang pera mula sa mga suspect. Sabi ni Marinas, kahit na pinagbubogbog ng taumbayan si Guzman, sasampahan pa rin nila ito ng kasong robbery.

Samantala, inoobserbahan ngayon sa isang pagamutan ang isang 18-anyos na estudyante makaraang pagsasaksakin nang manlaban sa dalawang holdaper, na tumangay ng kaniyang cellphone, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi .

Nakaratay sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang kinilalang si Rodel Pascual, ng #615 Alindada St., Sampaloc, Maynila dahil sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang saksakin ng dalawang holdaper.

Sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Santiago Pascual , hepe ng Manila Police District-Station 4, dakong  alas-11:00 ng gabi ng Huwebes nang maganap ang nasabing panghoholdap sa nasabing estudyante sa panulukan ng España at Basilio Sts., sa Sampaloc.

Lumilitaw sa imbestigasyon na naglalakad umano ang biktima nang biglang agawin ng dalawang lalaking armado ng patalim ang cellphone nito subalit pumalag  ang huli  kung kaya’t inundayan ng  saksak ng mga suspect.

Nang duguan na ang biktima ay nagsitakbuhan lamang ang dalawa papatakas. (Ricky T. Tulipat at Ludy Bermudo with trainees Pinky De Leon and Jamille Obcena)

Show comments