MANILA, Philippines - Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 24/7 ang kanilang isasagawang pagsipsip sa tubig-baha sa Lagusnilad sa Maynila upang agad na madaanan ng mga maliliit na sasakyan.
Tumaas ang tubig sa Lagusnilad hanggang sa hindi na ito madaanan pa ng mga sasakyan bunsod ng bagyong Maring simula pa noong Lunes.
Kahapon ay personal na pinangasiwaan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagsipsip ng tubig sa Lagusnilad kasama ang iba pang mga tauhan ng MMDA.
Ayon kay Tolentino, ang lahat ng paraan ay ginagawa ng MMDA upang agad na masipsip ang may kalahating milyong litro ng tubig-baha. Aniya, maging ang mga kagamitan ng mga local government unit at mga volunteer ay nagtutulung-tulong na rin upang madali ang clearing operations.
Inaasahan na ngayon ay madadaanan na ang Lagusnilad kasabay ng pag-alis ni Maring sa bansa. Sinabi pa ni Tolentino na magsasagawa rin sila ng paglilinis ng iba pang mga kanal at drainage sa mga susunod na araw kung saan inaasahan ang tone-toneladang mga basura na iniwan ng baha.