MANILA, Philippines - May 700 pamilya sa mga inabot ng mataas na tubig baha dulot ng kalamidad sa Quezon City simula ng Lunes ng gabi ang inilikas dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan dala ng bagyong “Maring.†Simula kahapon ng hapon, ayon sa Quezon City Police District’s Tactical Operations Center umabot na sa 320 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa lungsod.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano, 11 sa 142 barangay sa Quezon City ang binaha, habang 33 kalsada ang may mataas na tubig baha na aabot hanggang bewang.
Ang elebasyon ng tubig sa La Mesa Dam ay tumaas sa 80.17 meters simula ng alas -11:20 ng umaga na may spilling level na 80.15 meters. Karamihan sa mga evacuees ay mula sa Palmera Subdivision na may 500 pamilya na ngayon ay nakahimpil sa barangay hall ng Barangay Sta. Lucia.
Sa kainitan ng pagbuhos ng ulan kahapon, may mga kalsada ang hindi nadaanan ng anumang sasakyan tulad ng Araneta Avenue, Maria Clara at Retiro Sts., Banawe Avenue at Mayon Street, Calamba at Biak-na-Bato Streets sa La Loma.
Kabilang din sa iniulat na bumaha at hindi madaanan ng sasakyan ay ang: West Riverside sa Masambong; Brgy. Sta. Monica sa Novaliches; Bukluran, Calderon, J. Palma at J. Abad Santos Streets malapit sa Tullahan River sa Fairview;
Ang Usafe, Marcelino at Faustino Streets gayundin ang ilang parte ng Barangay Bagong Silangan sa Batasan; Waling-waling at Gumamela Sts. sa Brgy. Roxas; at ang kahabaan ng E. RodriÂguez Avenue mula Quezon Avenue hanggang Damayang Lagi.