QCPD umalerto pa sa baha

MANILA, Philippines - Nakaalerto ngayon ang buong pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa inaasahang paglikas sa mga pamilyang maaapektuhan sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha dulot ng bagyong Maring.

Kahapon, idineploy ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano ang binuong tropa na police district disaster risk reduction group para tumulong sa pag-evacuate sa mga naapektuhang pamilya na binaha sa Brgy. Bagong Silangan at Roxas District.

Ayon kay Albano, ba­gama’t kakaunti lamang ang bilang sa kasalukuyan ng in­i­likas sa naturang mga lugar, magpapatuloy umano ang pag-antabay ng kanilang tropa sa maaaring mangyari lalo umano’t napaulat na mag­tatagal hanggang Miyer­kules ang pagbuhos ng ulan sa Metro Manila.

Bukod umano sa binuong team, nakaantabay din ang lahat ng police station sa bawat nasasakupang lugar upang tugunan ang mga residenteng nangangailangan ng tulong.

Nabatid kay Albano na uma­bot na sa 64 na pamilya ang inilikas sa Brgy. Bagong Sila­ngan na ngayon ay pansamantalang nakatuloy sa covered court nito.

Show comments