MANILA, Philippines - Nasakote ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mag-asawang sangkot sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot sa isinagawang pagsalakay sa kanilang lungga sa Caloocan City, iniulat kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Usec. Arturo G. Cacdac, Jr. nakilala ang mag-asawang suspect na sina Narzarrion Tolentino, 63, barangay tanod at misis nitong si Rowena Tolentino, 45, na residente ng 49 Bisig Nayon, Brgy. 4, SanganÂdaan, sa naturang lungsod.
Ang mga nadakip na suspect ay parehong target listed sa Caloocan bilang mga drug personality.
Ang pagsalakay ay naipatupad sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Ma. Theresa E. de Guzman, Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 131 ng Caloocan City, ang naging dahilan sa pagkakadakip sa mag-asawang suspect.
Sa isinagawang operasyon ay nakumpiska ang isang kalibre 22 at apat na pirasong bala nito, isang kalibre 38 pati ang limang pirasong bala nito, dalawang pirasong heat-sealed plastic sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng shabu, isang transparent zip lock na pinaghihinalaan ding shabu at isang bank book na pagmamay-ari ni Rowena.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 11 Article II ng R.A 9165 o Possession of Dangerous Drugs at R.A 10569 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition laban sa mag- asawa. (Ricky T. Tulipat with trainee Ma. Juneah del Valle)