MANILA, Philippines - May kabuuan nang 14 na bata ang naipapaÂnganak sa loob at platform ng Light Rail Transit (LRT) matapos na isa na namang sanggol ang isilang sa Blumentritt Station ng LRT-Line 1 kahapon ng umaga.
Ayon kay LRT Authority spokesman Atty. Hernando Cabrera, sumakay ng tren ang ginang na si Lea Luviano, 25, residente ng Gerona St., Tondo, Manila kasama ang kanyang mister na si Elias para magtungo sa Fabella Hospital matapos na makaramdam ng pananakit ng tiyan.
Gayunman, hindi na rin aniya ito naisugod pa sa pagamutan at nagsilang na ng sanggol na lalaki sa mismong platform ng LRT Blumentritt Station dakong alas-9:40 ng umaga.
Nang mailuwal ang bata ay saka na lamang ito dinala sa Tondo General Hospital ng mga guwardiya at volunteer ng Philippine Red Cross na nakatalaga sa LRT upang mabigyan ng kaukulang pag-aasikaso ang mag-ina. Sa kasalukuyan naman ay nasa maayos ng kaÂlagayan ang mag-ina.
Nabatid na huling may nanganak sa loob mismo ng umaandar na tren noong Mayo 22 at nang mailabas na ang bata ay eksaktong umabot na ang tren sa LRT-Doroteo Station.
Sinabi ni Cabrera na may 14 nang sanggol ang naipanganak sa LRT-Line 1 simula noong taong 2000, kabilang na ang ipinanganak sa platform at sa loob mismo ng tumatakbong tren.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt sa Quezon City patungong Baclaran sa southern Metro Manila.