MANILA, Philippines - Siyam na impormante na naging ugat sa pagkakabuwag ng malalaking laboratoryo ng shabu ang pinagkalooban ng pabuya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagkakahalaga ng aabot sa P2.6 milyon kahapon.
Ang monetary reward na may kabuuang P2,614,188.06 million ay ibinigay ng kagawaran sa kanilang ika-11 anibersaryo na ginanap sa Nia Northside Road, National Government Center, Brgy. Pinyahan, Quezon City sa pangunguna ni PDEA director General Undersecretary Arturo Cacdac Jr.
Ayon kay Cacdac, ang pagbibigay ng parangal sa mga impormante ay bunga ng Operation Private Eye (OPE) na naglalayong mahikayat ang mga pribadong mamamayan na magbigay ng impormasyon sa mga pinaghihinalaang sangkot sa aktibidades ng iligal na droga sa kanilang komunidad.
Ang siyam na impormante ay itinago sa mga pangalang alyas Bogart, Dagil, Miami, Ambong, Storm, Mustang, Blackmail, Master, at Unico. Sa mga ito, tanging si alyas Miami ang nakatanggap ng pinakamalaking reward na aabot sa P1.5 million dahil sa impormasyong ibinahagi nito na nagdulot ng pagkakasamsam sa 34.5 kilo ng shabu at pagkakaaresto ng tatlong Chinese nationals sa isang buy-bust operation sa Binondo, Manila noong June 18, 2013.
Sa kabuuan, sabi ni Cacdac, may 13 drug personalities, kabilang ang tatlong Chinese nationals ang naaresto, habang 47.7 kilograms ng shabu, 124 kilograms ng bricks at buto ng marijuana, 17.776 na tanim na marijuana, at 33, 800 marijuna seedlings, kabilang ang regulated substances ang nasamsam sa pamamagitan ng OPE information.
Naniniwala si Cacdac na malaki ang naitutulong ng mga mamamayan para sa kanilang kampanya na masugpo ang iligal na droga sa lahat ng komunidad.