MANILA, Philippines - Timbog ang isang British national makaraang makuhanan ng isang bulto ng iligal na drogang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng awtoridad sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Richard Albano, ang naarestong dayuhan na si Deepak Kumar, alyas “Boss†at “Deeâ€, 45, at nanunuluyan sa may Tivoli Place, Mandaluyong City.
Si Kumar ay naaresto ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group matapos makuhanan ito ng limang gramo ng shabu nang isagawa ang buy-bust operation alas-3 ng hapon.
Bago ito, nakarating sa impormasyon ng pulisya ang malawakang pagtutulak umano ng shabu ng dayuhan dahilan upang isagawa ang isang buy-bust operation sa tropa ng DAID-SOTG.
Dito, nang aktong kunin ni Kumar ang marked money kapalit ang shabu ay saka dinampot ito ni Almazan kasama ang iba pang nakaantabay na miyembro ng DAID-SOTG, saka dinala sa Camp Karingal.
Sabi pa ni Albano, ang insidente ay agad nilang ipinabatid sa British embassy para sa kaukulang disposisyon.
Kasunod ang inquest proceedings para sa kasong paglabag sa Section 5 Article II ng Republic act 9165 kay assistant prosecutor Ben dela Cruz na nagrekomenda ng pagsasampa ng kaso ng walang piyansa laban sa suspect.