Illegal towing trucks, nagkalat sa MM

MANILA, Philippines - Inamin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na namamayagpag pa rin sa ilang lansangan sa Metro Manila  ang mga iligal na towing trucks  na bumibiktima sa mga motorista.

Dahil dito, pinag-iingat ni MMDA Traffic Discipline Office head ret. Gen. Francisco Manalo ang mga motorista sa mga towing trucks na walang akreditasyon buhat sa kanila na pinagmumulan ng mga reklamo ng pangongotong sa mga motoristang nasisiraan sa lansangan.

Pinayuhan nito ang mga motorista na hanapin sa mga towing trucks ang “accreditation sticker” buhat sa MMDA kung saan nakalagay din dito ang pangalan ng kompanyang nagmamay-ari nito.

Dapat may nakasabit din na “certificate of accreditation” ang mga towing trucks pati na ang taripa o listahan ng kaukulang halaga na dapat bayaran ng mga nahahatak na motorista na nakadepende  sa bigat at laki ng sasakyan na kanilang mahahatak.

Base sa umiiral na taripa, sisingil ng P1,500 sa unang apat na kilometro mula sa lugar na pinaghatakan hanggang sa impounding area at dagdag na P200 sa bawa’t karagdagang kilometro.

Ayon kay Manalo, sadyang mataas ang itinakda nilang singil sa mga mahahatak na sasakyan upang matuto ang mga motorista na tiyakin munang nasa maayos na kondis­yon ang kanilang sasakyan bago nila ilabas sa lansangan.

Show comments