Mas malalim na imbestigasyon, giit ng mga magulang ng 2 batang natagpuang patay

MANILA, Philippines - Hindi pa rin makapaniwala ang mga magulang ng dalawang bata na kapwa natagpuang patay sa loob ng isang abandonadong kotse sa anggulong nakulong lamang ang mga ito at nakiusap sa pulisya na magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ng ina ng biktimang si Dayne Buenaflor, na si Analyn, na kailangan na magkaroon pa ng mas malalim na imbestigasyon upang mabatid kung paano napunta ang kanyang anak sa loob ng naturang kotse at kung paano nakulong ang mga ito.

Sa kabila ng inilabas na inisyal na resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasawi sina Buenaflor, 4-anyos at James Naraga, 3-anyos, sa “severe dehydration”, marami pa rin uma­nong kuwestiyon dahil sa hindi nakita ang dalawang bata nang unang hanapin ang mga ito sa naturang compound sa harap ng Brgy. Wawa hall.

Nabatid naman na nakatakdang ilibing ngayong Biyernes ng hapon ang biktimang si Dayne kung saan mas tumindi ang kalungkutan ng pamilya dahil sa hindi makakarating ang ama nito na nagtatrabaho sa Saudi Arabia bilang waiter sa isang hotel. Nabatid naman na nakatakdang ilibing ang biktimang si James sa Sabado.

Hindi na umano kailangang  patagalin pa ang burol ng mga biktima dahil sa antas ng pagkaagnas ng mga bangkay nang matagpuan ang mga ito.

Humihingi naman ng tawad si Analyn sa anak na si Dayne dahil sa pagkabigo na mahanap ito. Sinabi nito na nalibot na nila ang buong Metro Manila, at naka­rating maging sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite at Rizal sa paghahanap ngunit sa tapat lamang pala ng Barangay Hall ng kanilang lugar matatagpuan.

Samantala, sinagot naman ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang gastos sa punerarya at pagpapa­libing sa dalawang bata na umabot ng P100,000 ha­bang nagparating ng pakikiramay si Mayor Lani Cayetano sa mga magulang ng mga paslit.

 

Show comments