Carjacker sumalakay, Everest tangay

MANILA, Philippines - Tinangay ng isang carjacker ang isang kulay puting Ford Everest sa Quezon City, iniulat kahapon.

Ayon sa ulat, ang biktima ay kinilalang si Wilmer Uy, 25, dating SMDC Sales Ma­nager, at nakatira sa New Manila, Quezon City.

Naganap ang insidente ganap na alas- 9:20 ng gabi sa kahabaan ng Belfast Avenue, Brgy. Pasong Putik, sa nasabing lungsod.

Ayon kay Uy, minamaneho niya ang kanyang Ford Everest na may plakang NFI-228 na nakarehistro sa kanyang amang si Wilson Uy nang makarinig siya ng ingay na tila galing sa likod ng  sasakyan.

Dahil dito, siya ay lumabas upang alamin ang pinagmulan ng ingay. Sa pagmamadali ay naiwan nitong bukas ang makina ng kanyang sasakyan at maging ang pintuan nito.

Maya-maya pa’y nakita nito ang suspect na agad na pumasok sa kanyang sasakyan at humarurot patungo sa direksyon ng Min­danao Avenue.

Agad na idinulog ni Uy ang insidente sa Police Station 5 kung saan nagsasagawa ngayon ng follow-up operation laban sa suspect.

 

Show comments