MANILA, Philippines - Luwa ang bituka, naliligo sa sariling dugo at tadtad ng saksak sa katawan ang isang guwardiya nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.
Nakilala ang biktima na si Christopher Cañon, ng 385 Tambakan, Block 9 Extension, Baseco Compound, Port Area ay natagpuan ng mag-asawang Reyma at Rafael Laput, dakong alas-11:30 ng gabi.
Ayon sa mag-asawa kaÂsalukuyan silang natutulog nang maalimpungatan makaraang makarinig ng malakas na kalabugan mula sa bahay ng biktima na kadikit lang ng kanilang bahay.
Dahil dito, tinungo ng mag-asawang Laput ang bahay ng biktima at kinatok ang pintuan ngunit walang sumasagot.
Bunsod nito, puwersahang binuksan ng mag-asawa ang bahay ng biktima at dito na tumambad ang bangkay ni Cañon kaya agad nilang inireport sa pulisya.
Sa ocular inspection na ginawa ng MPD Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinamumunuan ni Sr. Insp. Liz Ann Sugcang sa bahay ng biktima, nakasabog ang mga gamit nito kasama na rito ang cabinet na palatandaan umano na nanlaban ang biktima.
Napansin din ng SOCO na binutas ang dingding ng banyo ng biktima na indikasyon na doon dumaan ang mga tumakas na suspect.
Ang biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan. Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya upang matukoy ang suspect at moÂtibo.