Senglot nakatulog sa riles, lasog sa tren

MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang obrero makaraang masagasaan ng isang tren ng Philippine National Railways (PNR) nang makatulog ito sa riles dahil sa sobrang kalasingan, kahapon ng umaga sa Makati City.

Nakilala ang nasawi na si Rolando Diaz, 32, tubong Cabuyao, Laguna at naninirahan sa Arnaiz St., Makati City.

Nakikipag-ugnayan naman ngayon ang Las Piñas Police sa PNR upang makilala ang operator ng tren na nakasagasa sa biktima at mabatid ang panig nito.

Sa inisyal na ulat, nabatid na nakatulog sa riles ng tren sa kanto ng Yulo at Arnaiz Sts. ang biktima dahil sa sobrang kalasingan.

Ayon sa kasamahan sa trabaho ni Diaz na si Leopoldo Santos, nag-umpisa silang mag-inuman dakong alas-11 ng gabi kasama ang dalawa pang kasamahan.  Natapos ito bandang ala-1 ng madaling-araw. Nagkanya-kanyang uwi na umano sila ngunit posibleng hindi na nakayang makauwi ng bahay si Diaz at nakatulog sa riles ng PNR.

Ayon naman sa isang tindero sa lugar, tinangka niyang gisingin si Diaz nang makitang parating na ang tren ngunit tila tulog-mantika ito at hindi nagising.  Dito na ito nasagasaan ng tren.

Show comments