Bgy. Hall inararo ng SUV, 3 patay

Isa-isang binubuhat ng mga tauhan ng rescue team ang mga biktima ng pananagasa ng isang SUV kahapon ng madaling-araw sa Commonwealth Ave. sa Quezon City. (Kuha ni  BENING BATUIGAS)

MANILA, Philippines - Tatlong katao ang patay habang anim pa ang suga­tan makaraang sumalpok ang isang sports utility vehicle (SUV) sa isang barangay hall matapos iwa­san ang taong tumatawid sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kahapon ng madaling-araw
.

Ayon kay PO3 Alfredo Moises, imbestigador ng kaso, kinilala ang mga na­sawing biktimang sina Juliet Abe Montefalco, 20, call center agent; Jeffrey Flores, 22, cook; at Liza Romero, balot vendor, 60.


Sugatan naman sina Fe­lipe Robi, 18, OJT utility; Kimberly Mangaring, 16; Ronilo Dario, 27, driver; Francis Erick Taguba, 24; Fernando Teodoro, 19; at Mark Eleazar Lipana, 24, estudyante na pawang mga estudyante ng Far Eastern University (FEU).


Si Lipana ay anak ni Sr. Supt. Popoy Lipana, de­puty director ng Quezon City Police District (QCPD)  at kasalukuyang nakaratay sa St. Luke’s Medical Center.


Nangyari ang insidente ganap na alas-2:30 ng madaling-araw sa northbound lane ng Commonwealth Ave­nue sa tapat ng plaza ng barangay hall ng Barangay Commonwealth.


Ayon sa ulat, bago ang insidente, sina Montefalco at Flores ay kumakain ng balot na binili nila kay Ro­mero na nakapwesto sa con­crete bench sa may sidewalk nang bigla itong banggain ng isang kulay blue Mitsubishi Montero sport na may plakang TZI-993 na minamaneho ni Lipana.

Sakay naman nito sina Taguba at Teodoro galing Philcoa nang pagsapit sa lugar ay iniwasan nito ang isang tumatawid na pedestrian, dahilan para mawalan ng kontrol ang una sa manibela at mag-gewang gewang.


Sa lakas ng pagkakabangga, dead on the spot sa lugar sina Montefalco, Flores at Romero, habang isinugod naman ang mga sakay ng Montero sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa mga sugat na natamo ng mga ito. 


Patuloy ang imbesti­gas­yon ng traffic Sector 5 sa nasabing insidente. (Dagdag ulat ni Ma. Juneah Del Valle -- trainee)

 

Show comments