Cargo truck salpok sa pader, driver patay, 2 pahinante sugatan

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang driver ng truck habang sugatan ang dalawang pahinante matapos bumaliktad ang kanilang sasakyan nang malubak sa kahabaan ng C-5 sa may Libis sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Bartolome Pacayra, 27,  driver ng cargo truck (TFU-196) na namatay noon din bunga ng pagkakaipit  sa loob ng  truck.

Sugatan naman ang da­lawa sa apat na pahinante ng trak ng WestCal Sales na sina Conrado Sunga at isang “Rico”.

Kuwento ng nakaligtas na pahinante na  si Alyson Ibabao­, galing sila ng Novaliches patungo ng Sucat, Parañaque para kumuha sana ng iri-re­cycle na papel at habang binabaybay  nila  ang south-bound lane ng C-5 tunnel ay bigla nalubak ang kanilang  sasakyan.

Sa pagkakataong ito, nawalan umano ng kontrol ang driver  at bumangga ang trak sa pader ng tunnel, nagpagewang-gewang palabas ng tunnel, sumampa pa sa center island saka tumawid ng north-bound lane at mu­ling bu­mangga sa pader ng tunnel.

Bunsod nito naipit ang ulo ni Pacayra sa pagitan ng kaliwang bahagi ng trak at pader na binunggo nito.

Sinasabing ang namatay na  biktima ay  ginamitan  ng hydraulic ng rescue  team ng MMDA upang tuluyan maialis  sa pagkakaipit sa  loob ng truck.

 

Show comments