2 itinakas na Chinese drug lord, timbog

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga awto­ridad sa San Juan City kahapon ng madaling-araw ang mag-asawang convicted Chinese­ drug lord na sinasabing itinakas ng Ozamis Group sa General Trias, Cavite­ noong Pebrero.

Kinilala ang mga na­dakip na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy at asawa nitong si Wang Li.

Ang dalawa ay nadakip ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) NCR, pasado ala-1:00 ng madaling-araw sa kanilang hide-out sa isang subdibisyon sa Little Baguio sa San Juan, kung saan sila nagtago simula pa noong Marso.

Nabatid na ang na­ares­tong mga suspek, ay unang natimbog noong taong 2003 sa nadiskubreng shabu labo­ratory sa Tanza, Cavite at Parañaque matapos na mahulihan ng 350 kilo ng droga na nagkakahalaga ng P2.8 bilyon.  Kasama nilang naaresto si Li Tian Hua.

Noong Pebrero 20 ay puwersahang itinakas ng 20 armadong lalaki ang tatlong Chinese drug dealers habang patungo sa Trece Martires Regional Trial Court (RTC) para sa isang pagdinig.

Simula nang naitakas ang mag-asawa, sinasabing nagbalik ito sa kanilang operas­yon sa ilalim ng isang drug syndicate, hanggang sa muli silang maaresto kahapon.

Ayon sa mga awtoridad, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na P5 milyon ang ibinayad ng mga dayuhan sa Ozamis group para sila itakas.

Inamin ni Dy na isang miyembro umano ng grupo ang bumisita sa kanya sa Cavite provincial jail at nag-alok ng “escape plan” kapalit ng naturang malaking halaga.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad kay Li Tian Hua.

Nabatid na sa kasalukuyan ay walo na sa 14 na suspek na sangkot sa pagtakas sa mga dayuhang drug dealer ang naaresto at patuloy na pinaghahanap ang anim na iba pa, kabilang ang isang Ramil Soler, na  siya umanong tumanggap ng bayad.

Sina Dy at Li ay ikukulong sa Camp Crame habang pinaghahanap pa si Hua.

 

Show comments